PAKSA
Tema para sa taong 2019:
“Bayani ng Kanyang Panahon, Inspirasyon natin Ngayon!”
RASYONALE
Sa ikatlong taon ng SINEliksik Bulacan DocuFest, patuloy ang pagsusumikap na mas mapaigting ang pagtalakay sa kasaysayang lokal ng Bulacan na magtatampok sa Bulacan bilang “Duyan ng magigiting na bayani.”
Sa pagbabalik-tanaw, nagsimula ang SINEliksik noong taong 2017 nang ipakilala nito ang kasaysayang lokal ng mga bayan at lungsod ng lalawigan ng Bulacan sa paksa nitong “Saliksik at Salaysay ng Kasaysayan ng Bayan Ko!” Adhikain ng programa na magkaroon ng mas malalim pang pagsasaliksik at ito ay isinagawa sa mga istrukturang naging saksi sa kasaysayan sa temang “Pamana ng Lahi, Yamang aking Ipagmamalaki!” Nang sumunod na taon ang dokumentaryo ng piling built heritage sa lalawigan ay nagpakita kung ano ang naging ambag ng mga pamanang istruktura sa pagkabuo ng makulay na kasaysayan ng Bulacan maging ng kagitingan ng mga Bulakenyo na siyang nagpatingkad sa ginintuan niyang panahon at nagpasibol ng liwanag na gumagabay sa bagong henerasyon.
Kaugnay nito, ang SINEliksik Bulacan DocuFest 2019 ay ipinagmamalaking itatanghal ang kabayanihan ng mga dakilang Bulakenyo na buong tapang at pagmamahal na humabi ng bandilang iwinawagayway ng bansang Pilipinas bilang tanda ng ganap na kalayaan sa dugo ng himagsikan at pagkalugmok ng bayan sa kawalan ng pag-asa at pangarap sa kinabukasan.
Matutunghayan sa taong ito ang mga ‘bayani’ at ang kanilang kabayanihan – kung bakit nila ibinuwis ang kanilang ‘kasalukuyan’ para matiyak ang ating ‘hinaharap’ at kung paano sila nagsisilbing inspirasyon sa atin sa kasalukuyang panahon.
MGA LAYUNIN
- Magkaroon ng komprehensibong pananaliksik patungkol sa mga bayaning Bulakenyo at ang kanilang kabayanihan sa kontekstong pangkasaysayan at kung paano ito iuugnay sa kasalukuyan.
- Magsilbing inspirasyon ang kanilang kabayanihan at tuwirang maikintal ang diwang nasyonalismo sa puso at isip ng mga Bulakenyo
- Magkaroon ng biswal na reperensiya sa buhay at kabayanihan
DESKRIPSYON NG GAWAIN
Ang bawat grupong Bulakenyo na interesadong lumahok ay kinakailangang pumili ng isang bayani sa talaan ng mga bayaning Bulakenyo na tinutukoy ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office (PHACTO) na siyang magiging sentro ng maingat at malalim na pananaliksik upang mahusay na mailahad sa isang dokumentaryo ayon sa paksa ng programa para sa taong 2019.
Mahigpit na iminumungkahi na magsasagawa ng mga panayam sa mga historyador at mananaliksik partikular sa kasaysayan upang matiyak ang bawat impormasyon na ilalahad sa pelikula.
PANUNTUNAN
Ang paligsahan ay bukas sa lahat ng Bulakenyo.
a. Ang grupo na lalahok ay maaaring buuin ng hindi hihigit sa sampung miyembro.
b. Kinakailangang lehitimong residente ng lalawigan ng Bulacan.
c. Maaaring magmula sa iba’t ibang bayan o lungsod.
d. Hindi na maaaring lumahok ang mga Bulakenyong nagwagi sa national o international film festival/competitions sa nakaraang labindalawang buwan.
Ang bawat grupo ay kailangang pumili ng isang bayaning itatanghal. Sila ay mga bayani sa panahon ng Digmaang Pilipino at Kastila at Digmaang Pilipino at Amerikano.
MARCELO H. DEL PILAR | EUSEBIO ROQUE |
MARIANO PONCE | MARIANO CRISOSTOMO |
GREGORIO DEL PILAR | PEDRO SERRANO LAKTAW |
SIMON TECSON | CIRIACO CONTRERAS |
ISIDORO TORRES | CANUTO VILLANUEVA |
PABLO TECSON | FELIPE ESTRELLA |
ANACLETO ENRIQUEZ | SANTIAGO TRILLANA |
VICENTE ENRIQUEZ | SINFROSO DE LA CRUZ |
TRINIDAD TECSON | FAUSTINO QUIJANO |
MAXIMO VIOLA | CALIXTO VILLACORTA |
WOMEN OF MALOLOS | PACHECO ENRIQUEZ |
DEODATO ARELLANO | HERMENEGILDO HILARIO PRADO |
ANTONIO BAUTISTA | CIPRIANO PACHECO |
PAGPAPATALA
- Ang lahat ng nagnanais lumahok ay kinakailangang mag fill-out ng registration form at isumite ito sa tanggapan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office sa o bago ang Abril 5, 2019
- Mahalagang paalala na isang lahok lamang sa bawat bayani (first come, first served basis) ang tatanggapin ng komite.
PITCHING
- Sa April 16, 2019, ang bawat grupo ay inaasahang malinaw na inilalahad ang kanilang documentary proposal sa pamamagitan ng power point presentation (na naglalaman ng story outline at treatment) at 1 minute trailer. Ang grupo ay kakatawanin ng isa o dalawang miyembro (director at writer).
- Gayundin, isusumite ng bawat grupo ang research paper na naglalaman ng kumpletong pananaliksik (inaasahang ang isusumite at mayroong bagong pananaliksik). Ito ay dapat na may kaakibat na citations/footnotes. Ang footnote ay maglalaman ng mga datos kung saang aklat, pahayagan, website o kung saan man ito nagmula. Hindi maaaring ang sipi lamang mula sa mga batis ang isusumite at hindi maaaring internet lamang ang batis.
- Gayundin, ang bawat isa isa grupo ay magsusumite ng curriculum vitae at sertipikasyon mula sa Tanggapan ng Punong Bayan/Lungsod.
WORKSHOP/ CONSULTATION
Ang lahat ng grupong napili mula sa pitching ay kinakailangang dumalo sa isasagawang workshop/ consultation sa Abril 26, 2019 para matiyak ang kalidad ng mga lahok na dokumentaryo.
PRELIMINARY SCREENING
Isusumite ang lahok na dokumentaryo sa o bago ang Hulyo 5, 2018 sa tanggapan ng PHACTO kalakip ang kompletong requirements na hinihingi ng komite batay sa itinakdang panuntunan para sa isasagawang Preliminary Screening.
DOKUMENTARYO
- Ang dokumentaryo ay maaari lamang tumagal nang 10 hanggang 15 minuto (kasama ang credits ng pelikula).
- Bagama’t pinapayagan ang “creative license” ng bawat pelikula, ang treatment nito ay hindi dapat pangunahan o baguhin ang anumang impormasyong pangkasaysayan na inilalahad sa dokumentaryo.
- Bagaman ang “anti-hero” film ay isang uri ng masining na paglalahad ng buhay ng isang bayani, hindi ito hinihikayat sa kompetisyong ito. Ang target audience ng mga dokyu ay mga mag-aaral, lalong higit ang antas ng elementarya kung kailan tinatalakay ang Kasaysayang Lokal. Tiyakin na ang pagtingin sa kabayanihan ng isang bayani ay nakabatay sa kontekstong pangkasaysayan at hangga’t maaari ay may partikular na pansin sa kanyang ginampanan sa kasaysayan ng lalawigan at sariling bayan o lungsod.
- Siguraduhing kumunsulta sa mga historyador o manunulat ng kasaysayan para matiyak ang kalidad ng mga impormasyaong ilalahad sa dokumentaryo. Magsagawa ng mga panayam sa mga angkop at mahalagang personalidad na may mahalagang ambag sa kasaysayan.
- Maaaring gumamit ng related materials (video clips, larawan, musika, atbp.) subalit kinakailangang magsumite ang mga kalahok ng katibayan ng kapahintulutan sa paggamit nito maliban na lamang kung ito ay public domain. Ang lahat ng credits ay kinakailangang ilahad bago ang CBB. Hindi ipinagbabawal ang paggamit ng materials mula sa internet subalit iminumungkahi na limitahan ang paggamit sa mga ito.
- Hindi hinihikayat ang pagsasagawa ng mga panayam sa mga kasalukuyang nanunungkulang pinuno ng bayan o lungsod maliban na lamang kung talagang kinakailangan. Sa gayong pagkakataon, kailangan din itong pabatid sa komite para sa pagsusuri bago pa man magsagawa ng panayam.
- Ang grupo ay kinakailangang sumang-ayon at lumagda sa terms and conditions na itinakda ng komite upang maging ganap ang paglahok.
- Upang masigurado ang kalidad ng mga lahok, ang bawat grupo ay magsusumite ng script, sypnosis at research paper (hard and soft copy) na hindi magkulang sa tatlong libong salita (hindi kasama rito ang sipi ng lahat ng batis). Sa bawat pahina na may pangungusap na naglalaman ng mahalagang impormasyon, dapat ay may kaakibat na citations/ footnotes. Sa huling pahina, ilalahad ang lahat ng batis (sources) na ginamit o detalye ng panayam.
MGA ISUSUMITE:
- Copies of Research Paper (Full Blown, with footnotes and citations)
- Script and sypnosis
- 3 DVDs with case and poster cover (with running time)
- Soft copy ng dokumentaryo (HD file, MP4 format, with English Subtitles)
- 1 Minute trailer
- 1 Poster (Size: 18 x 24 in/ Material: Photo Paper)
- 10 Production Photos (behind the scenes)
- 10 Best Stills (scenes from the documentary)
- Signed copy of Terms and Conditions
- Valid IDsng lahat ng miyembro ng grupo
P A A L A L A:
Ang mga lahok na dokumentaryong napili mula sa preliminary screening ay bibigyan ng pagkakataong iayos ang lahok batay sa suhestyon o komento ng mga hurado at muling isumite sa itinakdang petsa ng komite.
FINAL SCREENING
Ang mga dokumentaryong isusumite ay muling isasalang sa final screening para sa pagpili ng mga magwawaging kalahok.
MGA GANTIMPALA
AWARD | PRIZE |
Best Documentary Film | P100,000 |
Best Research | P30,000 |
Best Cinematography | P30,000 |
Special Jury Prize | P20,000 |
Best Screenplay | P20,000 |
Ang mga hindi magwawaging finalist ay tatanggap ng halagang P10,000 samantalang consolation prize na P5,000 sa mga kalahok na hindi magwawagi kapalit ang dokumentaryo na kanilang isusumite na gagamitin ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office sa iba’t ibang programa nito at magiging bahagi ng Bulacaniana Collection ng Bulacan Provincial Library at ipapamahagi sa mga pampublikong paaralan, aklatan at tanggpan sa Lalawigan ng Bulacan.